04/09/2026
MULA IKALAWANG GININTUAN, PELIKULA ANG NASA DIBDIB NG LIPUNAN
Walang lehitimong puwang ang pamemelikula sa UPLB. Dahil sa ngalan ng agham, matematika, at teknolohiya iniukit ang hangganan ng mga espasyo sa Unibersidad, sa harap ng kumikipot na pondo at suporta, kung may kakarampot mang pagkilala ang umaabot sa kamay ng mga artista sa Unibersidad, ang pagkilalang ito ay higit lang na lumiliit, binabalakid, at sinasalimuot. Ang hinihiram na espasyo ay lalo lang kumikitid. Ang hinihinging pagkilala ay patuloy na mailap. Ang karapatan sa suporta ay tinitinik ng burukrasya. Para sa sining na walang sinasandigang programa at institusyon, ang salimuot na ito ay tanikala na bumabalakid sa pamemelikula. Sa kawalan ng opisyal na film program sa Unibersidad, ano pang puwang ang natitira sa paglikha ng pelikula kundi puwang na marhinal, na hindi maka-estudyante, na labas sa lehitimong suporta at pagkilala. Patuloy ang pagpinid ng mga hangganan ng Unibersidad para sa piling interes at layunin, pero gaya ng teatro, ng panitikan, at ng iba pang porma ng sining, ka-hanay ang pelikula sa pag-igpaw sa mga hangganang ito. Anumang kitid ng espasyo at tinik ng salimuot, ang pelikula ay patuloy na humihinga at nakikibuno, namumuhay at hindi mabubunot sa dibdib ng Makiling.
Hindi pumupurol ang mga porma, naratibo, at pilosopiya ng mga pelikulang likha ng mga artista sa UPLB. Mula sa mga pelikula sa category ng Pelikultura hanggang sa mga produksyon sa ilalim ng kursong COMA 193 Short Film Production Workshop, malinaw ang hubog ng pagdadalumat ng mga mag-aaral sa likod ng mga pelikulang ito: may talab, may talim, at may politikang nakalusong sa mga naratibo ng Los Baรฑos. Sa labas ng institusyonal na suporta, ng โlehitimongโ pagkilala, ang kamay ng mga estudyante at g**o ang mismong umuukit sa boses ng mga pelikulang likha sa loob ng Unibersidad. Sulyap ang ganitong lagay hindi lang sa kondisyon ng pamemelikula sa Laguna, kundi sa kabuuang lagay ng pelikulang rehiyonal.
Ang pamemelikula sa rehiyon ay, tulad sa Los Baรฑos, walang-himpil na pakikipagbuno. Sa malalim na pagkakatanim sa Maynila sa kabisera ng kultural, diskursibo, at politikal na istruktura ng bansa, patuloy ang pakikipagbuno ng pelikulang rehiyonal sa mga salimuot na buhat ng gahum na ito. Patuloy na ang puwang na kinalalagyan ng pelikulang rehiyonal ay labas sa institusyonal na pagkilala, labas sa โlehitimongโ espasyo at suporta. Ang distribusyon, ang suporta sa produksyon ay mga pangangailangang nakakulong sa hangganan ng Maynila, patuloy na malayo sa kamay ng rehiyonal na pamemelikula. Pero sa gitna ng masalimuot na balangkas ng ekonomiya, kultura, at diskurso sa bansa, hindi nalulunod sa kaniyang materyal na marhinalisasyon ang boses ng regional filmmakers; bagkus, umiigpaw sa mga hangganan ng balangkas na ito ang porma, politika, at pilosopiya ng kaniyang pamemelikula. Patuloy sa pagtatalinhaga, pagdadalumat, at pakikipagbuno nang may talab at talim ang mga pelikulang ibinubunga ng mga rehiyonal na naratibo.
Tulad ng alingangaw ng mga pelikulang gaya ng โAzazelโ ni Randy Villanueva, โAsa ang Mga Salida sa Leyte?โ ni Linus Masandag at Lebron Ponce, at โAng mga tigmo sa akong pagpauliโ ni Arnel Mardoquio, sa dila ng pelikulang rehiyonal naririnig ang mga kasaysayang sa kaluluwa ng kani-kanilang komunidad hinuhukayโmga naratibong nakatanim sa labas ng istruktura ng Kamaynilaan. Ika ni Katrina Tan, โit is perhaps this intense desire to surface regional cultures that have been long absent in Philippine screens that can account for the force behind this cinemaโs sustenance as a practice. Filling up this cinematic void is regional cinemaโs biggest contribution to Philippine Cinema.โ
Sa ika-107 taon ng Pelikulang Pilipino, nakikiisa ang UP Film Circle sa pagdiriwang ng samuโt-saring boses na umuukit sa kabuuang identidad at hubog ng pambansang pelikula. Sa temang โPelikula: Ginintuang Ikalawaโ, naniniwala ang UPFC sa kakagyatan hindi lamang ng pagbalik-tanaw sa mga boses na umalingawngaw noong Second Golden Age ng Pelikulang Pilipino, kundi sa pagkilala, pagpapaunlad, at paghahabi ng mga pelikulang inanak sa yapak ng ginintuang panahon na itoโmula sa kabisera hanggang sa pinakamalalayong rehiyon.
Bilang natatanging organisasyong pampelikula sa UPLB, ramdam ng UP Film Circle ang tinik ng kawalan ng lehitimong puwang para sa kultura ng pamemelikula sa loob ng Unibersidad, ngunit kinikilala rin nito ang higit na mas mabigat na kakagyatan ng pagsasalin sa mga natatanging naratibo, konteksto, at kasaysayan ng kaniyang komunidad sa porma at talim ng pelikula. Kinikilala ng organisasyon ang papel ng pelikula sa pagpapalutang ng mga pinakakagyat na salimuot, at ang higit na mas mabigat nitong gampanin sa pagharap, paghulma, at pagtugon sa sinasalimuot nitong reyalidad.
Naniniwala ang UP Film Circle na ang lugar ng pelikula ay wala sa loob ng sinehan, sa kamay ng akademya, o mata ng institusyon.
Ang lugar ng pelikula ay sa labas ng mga hangganan.
Ang lugar ng pelikula ay sa dibdib ng lipunan.